Sunday, November 30, 2008

Ang Alamat ng Diwata ng mga Ngipin

Sa dinami-rami ng mga tradisyon tungkol sa ngipin, marahil ang hindi maikakailang pagkakapare-pareho ay ang paniniwalang mayroong mangyayari kung may gagawin ka sa ngipin mo. Ibato mo man ito, ilagay sa ilalim ng unan, sa baso, o sa bubong ng bahay.

Ayon sa maraming eksperto nag-ugat ang tradisyong ito sa dalawang akda noon 17th century: ang “La Bonne Petite Souris” (The Good Little Mouse) ni Madame d’Aulnoy at ang “The Tooth Fairy” ni Lee Rogow. Bagamat bago ang mga akdang ito, mas bago naman raw ang pagsisimula ng tradisyon sa ngipin na may relasyon sa mga akda, na hindi nagsimula hanggang mga bandang 20th century pa lamang.

Marahil ay dapat palawakin pa natin ang tungkol sa mga tradisyon. Ang pinakasikat sa lahat ay ang tradisyong nag-ugat sa mga akdang una nang nasabi: na ang ngipin ay dapat ilagay sa ilalim ng unan, upang mapalitan ng salapi. May ibang porma rin ito, ang paglagay ng ngipin sa baso ng tubig. Syempre, alam naman nating ang dahilan nito ay upang madalian ang mga magulang sa pagpalit ng ngipin sa pera.

Kung tutuusin, wala naman talagang lohikal na dahilan ang ‘Tooth Fairy’ sa ginagawa niya. Bakit niya hinihintay na mawalan ng ngipin ang mga bata? Ano ang gagawin niya sa mga ngipin? Sino ang nag-utos sa kanya na gawin ito? Mga tanong ito na nagpapatunay na walang literal na silbi ang kwentong ito, ngunit hindi naman itinatanong ng mga bata.

Ngunit sa katotohanan ay mayroong mga lohikal na dahilan para sa tradisyong ito na hindi talaga literal (dahil wala namang tooth fairy na dokumentado), at ito ay ang mga sumusunod:

1) Para matanggap ng batang mawalay sa isang bagay na nakasanayan na niya (ang kanyang ngipin)
2) Upang mabigyang dahilan ang isang pangyayari. Siyempre, imbes na sabihin mo sa batang ang ngipin niya ay tinatawag na ‘Baby Tooth’ at ito’y natural na ‘Biological Process’ mas maiintindihan ng bata kung ang sasabihin ay ‘Dahil kukunin ito ng Tooth Fairy at papalitan niya ito ng salapi para sa iyong katapangan.
3) Dahil nga may salaping kasama sa usapan, imbes na matakot ang bata sa pagkawala ng ngipin ay lalo pa nga itong matutuwa. Ang hindi nakatutuwang implikasyon lamang dito ay sa maagang edad ay may natural nang ugali ang mga tao na magpahalaga sa kapangyarihan ng salapi.

Ang susunod naman na bahagi ay maikli lamang, at tungkol ito sa mga mas lumang tradisyon. Bakit maikli? Una, dahil wala naman itong malalim na pinag-ugatan, at pangalawa, dahil literal ang dahilan sa mga tradisyong ito.

Ang una ay ang paglibing, pagsunog at pagkain ng ngipin. Marahil ang dalawang ito ay may malapit na kahulugan kung bakit ginagawa: upang walang ibang makakuha nito. Ang ideya lamang na makukuha ng iba ang bahagi ng iyong katawan ay kadalasang sapat na upang gawin ito ng mga bata. Bukod pa rito, ang unang gawain marahil ay ‘hygienic’ na pamamaraan ito upang itapon ang ngipin. Ang sumunod ay ang pagtago nito. Karamihan ng gumagawa nito ay para magsilbing agimat ang ngipin. Ang huli ay ang pagtapon sa bubong, sa singit ng mga tabla sa sahig at pagpapakain ng ngipin sa daga o anopamang hayop. Ang dahilan naman rito kadalasan ay para tumibay ang papalit na ngipin sa nawalang ngipin. Ang isang ehemplo ay ang pagpapakain nga sa daga—iniisip ditong ang ngipin na papalit ay katulad ng sa daga, matibay at tumutubo sa panghabambuhay.

Ano pa man ang tradisyon o alamat tungkol sa mga ngipin, kailangan lamang natin laging tandaan na ang bawat bagay ay may pinagmulan (fairytales) at dahilan (pagiging malinis, etc.), malaking bagay man ito o maliit—tulad ng ating mga ngipin.


Wednesday, November 19, 2008

Ang Pinagmulan ng Wika

Marahil isa na sa mga pinakamalaking isyu na napag-uusapan, anopaman ang lahi, ay kung saan nga ba o paano nagsimula ang paggamit ng Wika. Maraming mga tipo ng teorya sa pinagmulan nito, at pinaglalabanan ng mga ito kung sino nga ba ang tama. Ang aking opinyon: maliban sa dalawang pinakamalaking teorya, lahat ng iba ay maaaring maging tama at hindi magbibigay ng konklusyon na mali ang iba pa.

Simulan natin sa dalawang pinakamalaking mga isyu: ang polygenesis at monogenesis. Base sa mga resulta ng siyensiya (DNA), ang mga tao ay mayroong 'common ancestor' sa Africa. Kung gayon, malamang nga ay pati ang lengguwahe ay maaari ring nagmula sa iisang lahi na ito. Ito ang teorya ng monogenesis. Ayon naman sa polygenesis, ang mga tao ay nagmula sa iba't ibang dako ng mundo, na mayroon ding katapat na iba't ibang lengguwahe.

Kung ako rin lamang ang tatanungin, mas naniniwala akong iba't iba ang pinanggalingan ng mga lengguwahe. Hindi porke't iisa ang pinanggalingan ng lahi ay iisa rin ang pinanggalingan ng lengguwahe. Bukod sa hindi natin alam kung marunong nga bang magsalita ang mga ninuno natin sa Aprika, maaari rin namang gumawa ng bagong lenggwahe sa kahit anong panahon--kahit ngayon na mismo.

Sa aking opinyon, mas maaari pa na iba't iba ang pinagmulan ng mga lengguwahe, ngunit tulad ng nasasabi sa "Universal Grammar Theory", ang mga tao ay may natural nang kaalaman sa paggawa at paggamit ng mga lengguwahe. Dahil dito, kahit na iba't iba ang pinagmulan ng mga lengguwahe, mayroon tayong mapupunang mga pagkakapareho dito.

Ang iba namang mas maliliit na teorya, tulad ng Bow-Wow, Ta-Ta, Pooh-Pooh, Ding-Dong, atbp. Ay mailalarawan sa isang heneral na ideya, na ang paglikha ng lengguwahe ay base sa pangaraw-araw na eksperyensiya at pangangailangan ng mga tao--mula sa pagsasabi ng nararamdaman (natatae, etc.) sa pooh-pooh theory, sa pag-gaya ng mga tunog sa Bow-Wow at Ding-Dong, o sa paglagay ng tunog sa mga galaw ng Ta-Ta theory. Lahat ito ay maaaring tama, at lahat din naman ay may ibig sabihin.

Sa kabuuan, higit pa sa kung saan nagmula ang Wika, ang mas mahalagang mensahe ng 'blog entry' na ito ay ang maipakita kung gaano kahalaga, kakumplikado at kaligaya ang mag-aral ng Wika, at kung gaano ito ka-kunektado sa lahat ng gawain sa buhay ng tao. Ang simpleng ebidensiya na lamang na kasabay ng ebolusyon ang pagkakaroon nito ay isang senyales na ito ay isang malaking pangangailangan ng isang tao.