Wednesday, November 19, 2008

Ang Pinagmulan ng Wika

Marahil isa na sa mga pinakamalaking isyu na napag-uusapan, anopaman ang lahi, ay kung saan nga ba o paano nagsimula ang paggamit ng Wika. Maraming mga tipo ng teorya sa pinagmulan nito, at pinaglalabanan ng mga ito kung sino nga ba ang tama. Ang aking opinyon: maliban sa dalawang pinakamalaking teorya, lahat ng iba ay maaaring maging tama at hindi magbibigay ng konklusyon na mali ang iba pa.

Simulan natin sa dalawang pinakamalaking mga isyu: ang polygenesis at monogenesis. Base sa mga resulta ng siyensiya (DNA), ang mga tao ay mayroong 'common ancestor' sa Africa. Kung gayon, malamang nga ay pati ang lengguwahe ay maaari ring nagmula sa iisang lahi na ito. Ito ang teorya ng monogenesis. Ayon naman sa polygenesis, ang mga tao ay nagmula sa iba't ibang dako ng mundo, na mayroon ding katapat na iba't ibang lengguwahe.

Kung ako rin lamang ang tatanungin, mas naniniwala akong iba't iba ang pinanggalingan ng mga lengguwahe. Hindi porke't iisa ang pinanggalingan ng lahi ay iisa rin ang pinanggalingan ng lengguwahe. Bukod sa hindi natin alam kung marunong nga bang magsalita ang mga ninuno natin sa Aprika, maaari rin namang gumawa ng bagong lenggwahe sa kahit anong panahon--kahit ngayon na mismo.

Sa aking opinyon, mas maaari pa na iba't iba ang pinagmulan ng mga lengguwahe, ngunit tulad ng nasasabi sa "Universal Grammar Theory", ang mga tao ay may natural nang kaalaman sa paggawa at paggamit ng mga lengguwahe. Dahil dito, kahit na iba't iba ang pinagmulan ng mga lengguwahe, mayroon tayong mapupunang mga pagkakapareho dito.

Ang iba namang mas maliliit na teorya, tulad ng Bow-Wow, Ta-Ta, Pooh-Pooh, Ding-Dong, atbp. Ay mailalarawan sa isang heneral na ideya, na ang paglikha ng lengguwahe ay base sa pangaraw-araw na eksperyensiya at pangangailangan ng mga tao--mula sa pagsasabi ng nararamdaman (natatae, etc.) sa pooh-pooh theory, sa pag-gaya ng mga tunog sa Bow-Wow at Ding-Dong, o sa paglagay ng tunog sa mga galaw ng Ta-Ta theory. Lahat ito ay maaaring tama, at lahat din naman ay may ibig sabihin.

Sa kabuuan, higit pa sa kung saan nagmula ang Wika, ang mas mahalagang mensahe ng 'blog entry' na ito ay ang maipakita kung gaano kahalaga, kakumplikado at kaligaya ang mag-aral ng Wika, at kung gaano ito ka-kunektado sa lahat ng gawain sa buhay ng tao. Ang simpleng ebidensiya na lamang na kasabay ng ebolusyon ang pagkakaroon nito ay isang senyales na ito ay isang malaking pangangailangan ng isang tao.

No comments: